|
| Name: POFW-SMENFI | MY URL: Visit Me |
| My Email: Email Me | Location: Quezon City |
Comments:
News bureau para sa pamilyang OFWs at SMEs, ilulunsad sa Sabado...
Isang news bureau para sa overseas Filipino workers (OFWs) at small and medium entrepreneurs (SMEs) gayundin sa kanilang pamilya ang ilulunsad sa Sabado (Abril 5) sa dalawang radio programs, ipinahayag kahapon ng Pamilyang OFWs-SMEs Network Foundation, Inc. (POFW-SMENFI).
Sinabi ni POFW-SMENFI President George A. Arriola na ang “Pamilyang OFWs-SMEs News Bureau” ay ilulunsad sa “Pamilyang OFWs-SMEs” na mapapakinggan tuwing Sabado sa DZRJ 810 AM (mula alas-9 hanggang alas-10 ng umaga) at Kabayan Radio (mula alas-7:30 hanggang alas-8:30 ng gabi). Ang Kabayan Radio ay napapakinggan sa ilang panig ng bansa at sa Hong Kong, Taiwan, Macau at Shanghai.
Sinabi ni Arriola na ang news bureau ay magbibigay ng mga pinakabagong balita na may kinalaman sa overseas employment at small and medium enterprise industries at magtatampok ng mga reaksyon ng pamilyang OFWs at SMEs sa mga napapanahong paksa na tulad ng Severe Acute Respiratory Syndrome o SARS, wage cut sa Hong Kong at Unified Contract sa Kingdom of Saudi Arabia.
Sa produksyon ng POFW-SMENFI, ang dalawang public service programs ay nagsisilbing forum sa pagitan ng pamilyang OFWs-SMEs at sa iba pang sektor na may kinalaman sa dalawang nabanggit na industriya. Ito ay pinangungunahan ni Arriola; Atty. J. Oswald B. Lorenzo, pangulo ng OFW Protect; at POFW-SMENFI Vice Pres. Gerry M. Ong.
Ang news bureau ay magbibigay din ng mga impormasyon tungkol sa mga oportunidad sa trabaho, kabuhayan, pamumuhunan at negosyo na ipagkakaloob ng mga kalahok sa “Pamilyang OFWs-SMEs Expo 2003.” Ang expo na pangalawang one-stop-shop exhibit at conference para sa pamilyang OFWs at SMEs ay gaganapin sa Hunyo 27-29 sa Philippine Trade Training Center.
Inaanyayahan ang pamilyang OFWs at SMEs na nagnanais na maging bahagi ng dalawang radio programs na tumawag lang kay Belinda Pimentel o kay Emy Aguinaldo sa POFW-SMENFI Secretariat sa tel. nos. 912-58-03 at 437-16-60 o mag-text sa 0916-7421768.
| Name: POFW-SMENFI | MY URL: Visit Me |
| My Email: Email Me | Location: Quezon City |
Comments:
BOSES NG PAMILYANG OFWs
Ni GEORGE A. ARRIOLA
For April 2 (Wednesday) issue
SARS at wage cut, malaking dagok sa OFWs sa HK
Dalawang malaking problema ang kinakaharap ngayon ng ating OFWs sa Hong Kong Special Administrative Region. Ito’y ang Severe Acute Respiratory Syndrome o SARS at ang pagbabawas ng HK government sa minimum na buwanang sahod ng domestic helpers (DHs) na HK$400 simula kahapon.
Kaugnay ng SARS, pinayuhan ni Labor Secretary Patricia Sto. Tomas ang OFWs sa HK na mag-ingat sa kanilang kalusugan upang hindi maging biktima ng mabilis na lumalaganap at nakamamatay na sakit na itinuturing na isang “mystery pneumonia” na sanhi ng virus na “Paromyxoviridae.”
Matindi ang tama ng SARS at maging ang nakatuklas nito na si Dr.Carlo Urbani, opisyal ng World Health Organization, ay hindi pinatawad ng misteryosong karamdaman.
May isa nang OFW – si Adela Dalingay – ang namatay sanhi ng SARS at may ilan pang OFWs sa HK ang nasa iba’t-ibang pagamutan ngayon sa HK.
Noong Sabado, sinalubong ng inyong lingkod sa Ninoy Aquino International Airport si OFW leader Nellie David na kumumpirmang malaking problema ngayon sa HK ang SARS at ordinaryong tanawin na lang ang mga residente, turista at manggagawa na nakasuot ng surgical mask bilang proteksyon sa nasabing sakit.
Sinabi ni Nellie na lahat ng mga kasama niya sa eroplano ay binigyan ng advise na mag-self quarantine sa loob ng dalawang liggo para maiwasan ang paglaganap ng SARS at binigyan din sila ng checklist upang obserbahan nila ang kanilang mga sarili.
Sa isyung wage cut, sinabi naman ni Nellie na halos lahat ng DHs sa HK ay tutol sa desisyon ng HK government na bawasan sila ng HK$400.
Sinabi din niya na marami ring employers ang nagpahayag ng pagtutol sa wage cut at dahil dito may posibilidad na ikonsidera ng HK authorities ang kanilang naunang desisyon.
Samantala, ang mga sumusunod ay ang natanggap ng IMBESTIGADOR na BOSES ng pamilyang OFWs mula sa ating 24-hour text messaging hotline na 0916-7421768 at sa e-mail address na gearcom@philonline.com.:
Bernard Corsiga: Dapat magkaroon ng Call Center para sa SARS na tulad ng sa Middle East Call Center upang tumugon sa mga katanungan na may kaugnayan sa nasabing sakit.
Ester Chavez: Tama lang na panay-panayin ni Sec. Dayrit ang pagbibigay sa publiko ng impormasyon tungkol sa SARS upang makaiwas tayo sa sakit. Malaki itong problema sa oras na makapasok sa Pilipinas.
Jaime G.: Grabe ang trapik sa NAIA! Tatlo kaming hindi nakasakay sa eroplano pa-Taiwan dahilan sa na-late kami sanhi ng matinding trapiko. Dapat ayusin ng MMDA ang trapiko sa nasabing lugar.
Cely L.: Marami pa ring recruitment agency ang hindi sumusunod sa itinakdang one month salary placement fee na tulad ng inaplayan ko. Ang gusto ay P130,000 ang ibayad ko samantalang ang sahod naman sa factory worker sa Taiwan ay P23,000 lang.
Mary Ann F.: Duda ako sa agency na inaplayan ko. Minamadali akong magbigay ng advance na P30,000 para sa placement fee patungong Hong Kong. Ang kabuuang placement fee na hinihingi sa akin bago ako bumiyahe ay P150,000.
* * *
Ang IMBESTIGADOR at ang inyong lingkod ay taus-puso at handang tumulong sa mga nabiktima ng mga iligal na recruiters gayundin ng may problema sa ahensiya ng pamahalaan na may kinalaman sa overseas employment industry.
Katuwang din ng inyong lingkod sa pakikipaglaban si Atty. J. Oswald B. Lorenzo na laging handang magbigay ng libreng legal advise sa pamilyang OFWs. Hanggang sa Biyernes, Mabuhay ang Pamilyang OFWs!
# # #